Gustung-gusto kong umuupo malapit sa bintana kapag sumsasakay ako sa bus. Ninanais ko kasing pagmasdan ang mga tanawing aming nadadaanan at ang mga sasakyang nagdaraan. Isang beses, nang patungo akong Maynila, tumatanaw ako sa labas ng bintana ng bigla akong may nakitang maliit na bagay na lumilipad. Nagulat ako at sinundan ito ng tingin… upang malaman lamang na balat pala ito ng dalandan na kinakain ng isang mama sa kabilang bus.
Malaking problema ang basura sa ating lipunan ngayon. Ang mga dating mga landfills na pinagtatapunan ng basura ay napupuno na. Kasabay nito ay ang pagdami pa ng mga basurang hindi naman madaling mabulok katulad ng mga plastic at styrofoam. Problema ang pagdami ng basura hindi lamang dahil sa masamang tingnan ang paligid kapag madaming basura kung hindi dahil sa nagdudulot din ito ng mga sakit na kung minsan pa nga ay nakamamatay.
Kung tutuusin, maraming beses nang napag-usapan ang solusyon sa problema sa basura. Maging sa mga paaralan para sa mga estudayante ng elementary ay itinuturo na ang watong pagtatapon ng basura. Marami na ring mga diskusyon ukol sa kung paano nga ba mababawasan ang mga basura. Ang ilan sa mga ito ay ang pagdadagdag ng mga sanitary landfills, paggawa ng compost gamit ang mga nabubulok na basura, pag-re-recycle at maging ang simpleng paraan ng pagbabawas ng paggamit ng mga plastic at Styrofoam.
Gayunpaman, kung maglalakad-lakad tayo sa paligid, marami pa rin tayong makikitang nagkalat na basura sa daan, sa mga ilog, at maging sa labas-labas ng ating mga tahanan. Natatanong ko tuloy sa aking sarili, saan nga ba nagkaroon ng problema? Hindi pa nga ba sapat ang mga paalaala ng mga kinauukulan ukol sa tamang pagtatapon ng basura? Hindi nga ba sapat ang mga basurahan? O tayong mga tao nga ba mismo ang problema?
Katulad ng mamang nagtatapon ng kanyang basura sa labas ng bintana ng bus na kanyang sinasakyan, palagay ko ay tayong mga tao mismo ang isang malaking dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa din nabibigyan ng solusyon ang ating prolema sa basura. Naniniwala ako na kung talagang nanaisin at magtutulung-tulong, malaki ang magagawa nito sa problema natin sa basura. Kung sana’y may disiplina ang mga tao sa pagsunod sa mga alituntunin ukol sa tamang pagtatapon ng basura, mas madali sanang linisin ang mga lugar na madaming basura. Kung sana’y mayroon tayong pakialam sa ating paligid, tayo mismo siguro ang magsisimula sa pagbawas ng paggamit ng mga plastic at styrofoam.
Simulan natin. Ngayon na!
Manilyn Abesamis
No comments:
Post a Comment